P50 billion na ang halaga ng nalulugi sa mga magsasaka dahil sa pagbaba ng presyo ng palay – farmers group

by Radyo La Verdad | October 22, 2019 (Tuesday) | 3062

Umaabot na sa 50 billion pesos ang halaga ng nawawala sa mga magsasaka base sa suma ng  Federation of Free Farmers (FFF).

Ayon sa National Manager ng Grupo na si Raul Montemayor, nasa 10 milyong metriko tonelada na ang naaaning palay sa bansa kung saan nasa 5 piso sa kada kilo ang ibinaba ng presyo nito.

Posible pa aniyang lumaki ito dahil hindi pa tapos ang anihan at patuloy pa ang pagbagsak ng presyo ng palay na isinisisi naman sa pagpasok ng mga imported na bigas.

Sa datos na nakalap ng grupo, nasa 2.3 million metric tons na ang pumasok na bigas sa bansa hanggang July at maaaring umabot na ito sa 3 million metrics tons ngayon. Doble na anila ito kumapara sa kakulangan ng lokal na produksyon.

Una na ring sinabi ng Department of Agriculture na sobra na sa dami ang inangkat na bigas sa pangangailangan ng bansa.

Ang isa sa nakikitang solusyon ng grupo ng mga magsasaka ay itaas ang taripa ng imported na bigas.

“Kung masyadong malaki na yung taripa hindi na profitable sa importer na magpasok ng bigas,” ani Raul Montemayor, Federation of Free Farmers.

Noong Setyembre ay tinangka rin ng DA na magsagawa ng paunang imbestigasyon para ipatupad ang general safeguard measure na kokontrol sa pagpasok ng bigas sa bansa. Pero inihinto na ito ng DA nito lamang October 10 at magbibigay na lamang ng karagdagang ayuda sa mga magsasaka.

“We discussed in the cabinet that general safeguards duty was being investigated by DA. So after a good discussion ang decision of the cabinet, instead of that ay magbigay ng cash assistance and the government has set aside P3 billion,” ayon kay Department of Agriculture Sec. William Dar.

“Habang namimigay siya ng 5,000 pesos lumalaki naman yung lugi ng magsasaka dahil patuloy pa rin yung pagdagsa ng imports. So parang hindi siya solusyon, panakip-butas lang siya,”dagdag pa ni Raul Montemayor, Federation of Free Farmers.

Ayon sa DA, kapag naipatupad na ang rice competitiveness and enhancement fund na may pondong 10 bilyong piso kada taon sa loob ng anim na taon ay bababa ang gastos sa produksyon ng palay mula sa 12 piso kada kilo sa 6 na piso kada kilo na lamang.

(Rey Palayo | UNTV News)

Tags: , ,