MANILA, Philippines – Dinagdagan ng Department of Agriculture (DA) ang ayudang ibinibigay sa mga nag-aaalaga ng baboy na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Mula sa datingP3,000, P5,000 na ang ibibigay ng DA sa kada baboy na pinatay at papatayin pa na nasa sa loob ng 1-kilometro mula sa lugar na nagpositibo ang ASF na umabot na sa mahigit 40,000.
Paiigtingin din ng DA ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoints sa iba’t-ibang lugar sa bansa para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Nasabat noong Biyernes, (October 11) sa San Juanico Bridge sa Tacloban City ang 700 crates ng iba’t-ibang mga produktong baboy mula sa Bulacan ayon sa Tacloban City Veterinary Office, kinumpiska ang mga produkto dahil sa kakulangan ng kinakailangang dokumento.
Sa post naman ni Mindanao Development Authority Chair Sec. Manny Piñol sa social media, kinuwestyon nito kung bakit nakalusot ito sa mga quarantine checkpoint sa Matnog Sorsogon at Northern Samar. Iimbestigahan naman ito ng DA.
Samantala ayon naman sa grupo ng mga meat processor, posibleng malugi sila ng P55B kung hindi aayusin ang sistema ng pagbabawal sa pagbyahe ng mga pork products. Dumaan naman aniya sa proseso ang kanilang produkto sa init na mamamatay ang ASF virus.
(Rey Pelayo | UNTV News)