Gun at liquor ban, ipatutupad ng MPD sa Maynila simula January 8-10

by Radyo La Verdad | January 5, 2018 (Friday) | 3589

Simula January 8, araw ng Lunes naka-code white alert na ang mga DOH hospitals sa Maynila. Nangangahulugan ito na full force ang kanilang mga tauhan at nakahanda na sila tumanggap ng mga posibleng magkakaroon ng problema kasabay ng Traslacion sa Martes.

Bagama’t may mga naka-antabay nang emergency response teams sa mga rutang dadaanan ng andas, may 12 ambulansya pang manggagaling sa DOH-NCR bilang karagdagang pwersa.

Ayon naman kay MPD Director PCSupt. Joel Coronel, magpapatupad sila ng gun ban sa Maynila simula  January 8 hanggang January 10.

Magkakaroon din ng liquor ban simula January 8 ng alas sais ng gabi hanggang Jan 10. Paiiralin din ang no sail zone sa palibot ng Quirino Grand Stand at sa mga dadaanan ng prosisyon.

Sa ngayon ay nasa 7,000 uniformed personnel mula sa MPD, PNP, AFP at PCG ang naatasang magbantay sa seguridad. May 38 water crafts din na nakahanda mula sa PCG, MMDA at PNP Maritime Group.

Sinuspinde na rin ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan maging ang pasok sa mga government offices sa lungsod.

Muli naman umapela ang Ecowaste Coaltion sa mga makikibahagi sa Traslacion na iwasang  magkalat at panatilihing maayos ang sa lugar.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,