Nahulog sa malaking butas sa isang kalsada ang isang twenty-two wheeled truck noong Sabado sa bahagi ng Amoranto Corner, Banawe Street sa Quezon City. Lulan ng truck ang daan-daang sako ng mga buhangin na ihahatid sana sa Cavite.
Kwento ng truck driver na si Ron Roque, bigla na lamang niyang naramdaman na bumagsak ang likurang bahagi ng minamanehong sasakyan. Nang kanyang silipin, lumubog na pala sa malaking butas ng kalsada ang halos kalahati ng truck.
Ayon naman sa isang residente sa lugar, ito na ang ikalawang sasakyan na naaksidente sa kalsada.
Subalit makalipas ang aksidente ay hindi pa rin naiaayos ang gumuhong bahagi ng kalsada, sa halip ay hinarangan lamang ito at nilagyan ng mga karatula bilang babala sa mga motorista.
Ayon kay Department of Public Works and Highways NCR Director Engineer Melvin Navarro, taong 1979 pa nang ipatayo ng Quezon City Local Government ang bahagi ng naturang kalsada.
Sa isang text message, sinabi nito na makikipag-ugnayan sila sa Quezon City LGU ngayong araw upang pag-usapan kung paano aayusin ang nasirang istruktura.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: LGU, NCR, Quezon City