Guilty verdict ng International People’s Tribunal kay Pangulong Duterte, minaliit ng Malacañang

by Radyo La Verdad | September 21, 2018 (Friday) | 2633

Hindi kilala ang mga Juror o kasapi ng lupon ng tagahatol ng International People’s Tribunal (IPT) at propaganda body lamang binubuo ng mga makakaliwang grupo at ng kanilang network sa Europa; ganito minaliit ng Malacañang ang IPT.

Ipinagwalang bahala din ng Duterte administration ang guilty verdict na ipinataw nito hinggil sa mga umano’y paglabag ng Duterte administration sa karapatang pantao.

Dininig ng IPT sa Brussels, Belgium ang mga umano’y kaso laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kabilang ang sari-sariling human rights violations.

Sinasabing isusumite ang findings ng IPT sa United Nations Human Rights Council, European Parliament at International Criminal Court sa The Hague.

Nanindigan naman ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) na legitimate venue ang IPT upang hilingin ng publiko ang pagtatama at pagtutuwid dahil hindi na gumagana ang mga tradisyonal na institusyon.

Nanindigan si NUPL President Edre Olalia, ang IPT ay isang unique arena o platform upang maipakikila ang katotohanan at makamit ng taumbayan ang karapatan nito sa hustisya.

May due process din aniya sa IPT kung saan binibigyan umano ng pagkakataon ang mga defendant na makibahagi sa pagdinig at ipagtanggol ang kanilang sarili.

Ang panel din aniya ng Jurors ay binubuo ng mga tanyag sa kani-kaniyang disiplina at ang proseso ng pagdinig ay sa pamamagitan ng open at public trial.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,