Guidelines sa ipatutupad na Alert Levels system sa NCR bilang pilot area, idinetalye

by Erika Endraca | September 14, 2021 (Tuesday) | 2645

METRO MANILA – Sisimulan na ang pilot implementation ng alert levels system na may kasamang pinaigting na granular lockdowns sa Metro Manila sa September 16 .

Aprubado na ng IATF Ang mga ipatutupad na guidelines.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang pagbabago sa polisiya ay upang maabot ang total health sa pamamagitan ng maingat na pagbalanse ng COVID-19 response at pagkunsidera sa kalusugan ng publiko at ekonomiya ng bansa.

Ang city at municipal mayors ang may otoridad na magpatupad ng granular lockdown sa nasasakupang barangay, individual houses, residential buildings, streets, blocks, purok, subidivisions o village kung saan may kumpirmadong householder member ng positibo sa COVID-19 sa loob ng hindi bababa sa 14 na araw.

Ang PNP ang magtitiyak ng peace and order sa lockdown areas.

Tanging mga healthcare worker, non-health personnel na nagtatrabaho sa ospital, laboratories, dialysis facilities, uniformed personnel na nagpapatupad ng granular lockdown ang maaaring lumabas at pumasok sa apektadong lugar.

Maaari namang pumasok o lumabas ng granular lockdown areas para sa mga specific purpose ang mga OFW na paalis o pabalik ng bansa, mga pabalik sa bahay subalit di na maaaring lumabas sa duration ng lockdown, mga nangangailangan ng medical attention at mga food at essential items na idedeliver sa border collection points.

Pagkakalooban ng ayuda ng lokal na pamahalaan at DSWD ang mga apektadong households sa granular lockdown area.

Bawal mag-operate sa area ang anumang establishment gayundin ang mga activity na itinuturing na high-risk sa transmission.

Samantala, sasailalim naman ang bawat lungsod o munisipalidad sa alert levels system.

Nakadepende sa alert level ang ipatutupad na restrictions sa itinuturing na high-risk activities.

Ang DOH ang tutukoy ng alert level sa pilot area at linggo-linggo gagawin ang classification.

Level 4 ang pinakamataas na antas dahil sa mataas o papataas na case counts, total bed utilization at ICU utilization.

Bawal sa labas ng kanilang tirahan ang below 18 years old, mga lagpas 65 years old at may immunodeficiencies, comorbidities o health risks, at mga buntis liban na kung aa-access ng pangunahing pangangailangan o serbisyo at kung may trabaho.

Maaari ang intrazonal at interzonal travel subalit subject sa regulasyon ng LGU of destination.

Pinapayagan ang individual outdoor exercises sa lahat ng edad subalit limitado lamang sa kinaroroonang barangay, purok, subdivision o village at dapat sundin ang minimum public health standards.

Hindi maaaring mag-operate ang mga establisyemento at activities na itinuturing na high-risk sa transmission tulad ng indoor tourist attractions, indoor venies, indoor entertainment venues, outdoor at indoor amusement parks, at iba pa.

Pwede ang outdoor o al fresco dine-in services sa mga restaurant at eateries subalit limitado lamang sa 30% venue o seating capacity habang ang indoor dine-in services ay papayagan sa 10% capacity pero para lamang sa mga fully vaccinated customer at dapat ding bakunado na ang lahat ng mga kawani ng mga establishment .

Pinahihintulutan ang personal care services subalit limitado sa barbershops, hair spas, nail spas at beauty salons at may maximum na thirty percent venue capacity kung gagawin ang serbisyo outdoor.

10% naman ang indoor seating capacity kung bakunado na ang mga customer at mga service provider.

Maaari rin ang in-person religious gathering na may maximum thirty percent venue capacity outdoors at 10% capacity indoors naman para sa fully vaccinated individuals at religious leaders.

Bagaman fully operational, 20% on-site capacity lamang ang dapat sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Samantala, alert level 3 naman ang areas na mataas ang case count at pataas ang total bed utilization at ICU utilization rate.

Dito, papayagan ang movement ng mga tao liban na sa reasonable restrictions na ipatutupad ng LGU depende sa age at comorbidities.

Allowed ang 30 % venue capacity sa mga establishment at activities na itinuturing na high-risk sa transmission tulad ng indoor tourist attractions, indoor venues para sa meetings, indoor recreational venues, indoor face to face o in-person examinations, gayundin ang in-person religious gatherings, non-covid related neurological services, at wakes, social events, indoor dine-in services, indoor sports courts or venues, at personal care services.

Bawal pa rin ang operasyon ng indoor entertainment venues tulad ng mga cinema at venues na may live performers, gayundin ang outdoor at indoor amusement parks o theme parks.

30 % on-site capacity naman ang allowed sa mga government agencies at instrumentalities.

Sa alert level 2 naman na mababa ang case transmission at healthcare utilization o mababa ang kaso subalit pataas ang healthcare utilization, 50% on-site capacity ang pinahihintulutan sa mga industriya, activities, at government agencies.

Sa alert level 1 naman na kapwa mababa ang case transmission at healthcare utilization, 100% venue o seating capacity ang pahihintulutan.

Sa kasalukuyan, wala pang desisyon ang doh kung anong alert level ang iiral sa mga lungsod at munisipalid sa NCR.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,