Guidelines sa Cemetery Closure sa Oct. 29-Nov. 2, inilabas ng IATF

by Erika Endraca | October 21, 2021 (Thursday) | 560

MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang guidelines na ipatutupad sa pagpapasara ng mga sementeryo mula October 29 hanggang November 2.

Alinsunod ito sa resolution number 72 kung saan lahat ng mga sementeryo, memorial park, at maging kolumbaryo sa bansa ay hindi maaaring tumanggap ng mga dadalaw.
Sa “Talk to the People” ni Pangulong Rodrigo Duterte , inianunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang guidelines na ito ng IATF at hinihikayat ang mga LGU na magpasa ng ordinansa ukol dito.

“Ito ay ipatutupad ng ating mga LGUs, ng Philippine National Police kasama ang mga barangay tanod, barangay public safety officers, at mga auxilary units. Kinakailangan ding magpasa ng ordinansa or executive order ang mga lgus upang ito’y maipatupad ng maayos upang maging ligtas ang ating mga kababayan.”ani DILG Sec. Eduardo Año.

Samantala, habang hindi pa nagsasara ang mga sementeryo, tanging nasa 30% capacity lamang ang pinapayagang dumalaw at hindi lalagpas sa 10 tao kada grupo.

Pero may diksresyon ang mga lokal na pamahalaan na itaas ito sa 50% capacity.

Mahigpit ring ipinagbabawal ang anomang uri ng pagtitipon upang hindi ito maging dahilan ng hawaan ng COVID-19.

Kinakailangan rin ang ibayong pagsunod sa minimum health standard protocol lalo na ang pagsusuot ng face mask.

Nauna nang naganunsyo ang Metro Manila Council (MMC) na ipapasara ang mga sementeryo mula October 29 hanggang November 2 upang maiwasang maging dahilan ng hawaan ng COVID-19 ang mga sementeryo.

Nagpatupad na rin ng iba’t ibang polisiya ang mga lungsod sa pagtanggap ng early visit ng mga dumadalaw sa sementeryo katulad ng online booking.

Ayon sa Metro Manila Council, kahit pa naibaba na sa Alert Level 3 ang Metro Manila dapat pa ring huwag magpakampante ang publiko upang bumaba pa lalo ang nagkakasakit ng COVID at tuluyan nang lumuwag ang quarantine measures

“Sarado ang ating aming mga sementeryo sa 29, 30, 31, 1 and 2 para mai-spread natin ito. Hindi sabay-sabayang pagpunta sa sementeryo.” ani MMDA Chairman, Atty Benjamin “Benhur” Abalos Jr.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: