Nakatakda nang simulan ng Department of Education ang random drug testing sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa. Kabilang sa isasailalim ang mga estudyante sa senior at junior highschool, mga guro at school personnel.
Ayon kay Usec. Jesus Lorenzo Mateo, nakasaad dito na dapat ay maipaalam sa mga magulang ng estudyante ang isasagawang pagsusuri. Gayunman, hindi sila maaaring tumanggi dito.
Bukas naman ang pananaw ng mga estudyante at magulang sa naturang hakbang.
Tiniyak naman ng DepEd na magiging maingat sila sa pagsasailalim sa mga mag-aaral sa drug test upang mapangalagaan din ang kapakanan ng mga ito.
Ang mga estudyanteng magpopositibo ay ipapatawag kasama ang kanilang magulang at kakausapin ng DOH Accredited Physician. Dito titignan kung anong tulong ang maaaring ibigay sa bata.
Samantala, posible namang tanggalin sa serbisyo ang mga guro at DepEd personnel na magpopositibo sa ilegal na droga.
(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)