Grupong responsible sa pagdukot ng 3 dayuhan at Filipina sa isang resort sa Samal Island, patuloy na inaalam

by Radyo La Verdad | September 22, 2015 (Tuesday) | 4025

SAMAL-ISLAND
Dalawang Canadian Nationals, isang Norwegian at Filipina ang dinukot bago maghating gabi kagabi sa isang resort sa Samal Island sa Davao del Norte.

Kinidnap ang 4 sa Ocean View Resort sa Barangay Camudmud, Bakbak Samal sa pagitan ng 10:30 at 11:00 kagabi.

Ayaw munang pangalanan ng AFP ang mga nakidnap hangga’t hindi pa naipapagbigay alam sa kanilang mga kaanak.

Bukod sa 4 may dalawa pang Foreign Nationals na tinangkang dukutin ngunit nanlaban ang mga ito kaya nakawala sa mga kidnapper.

Ayon sa AFP, nakita sa CCTV ng resort na 11 armado ng baril ang dumukot sa mga foreign national.

Fluent o matatas magsalita ng english ang mga dumukot.

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng mga otoridad kung anong grupo ang dumukot sa tatlong dayuhan at isang pilipina.

Kumikilos nang ayon ang PNP Anti-Kidnapping Group at Mindanao Eastern Command upang matukoy ang grupo na nagsagawa ng pagkidnap.

Naka alerto na rin ang lahat ng security forces sa Davao Region at bumubuo na rin ng task force natututok sa paghahanap sa mga biktima at sa mga suspect.

Naniniwala naman ang AFP na isang isolated incident ang pangyayari sa Samal Island.

Sinabi ni PIO Chief Wilben Mayor na sinisikap nilang mabawi ng ligtas ang mga nakidnap ng tatlong dayuhan at isang pilipina.

Kinukumpirma na rin ng pulisya ang ulat na ang talagang target ng mga kidnappers ay ang mga nagta-trabaho sa isang mining firm doon.

Sinabi naman ng Malacanang na minomonitor na ni Pangulong Aquino ang mga hakbang na ginagawa ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno tungkol sa pangyayari sa Samal Island. (Darlene Basingan / UNTV News)

Tags: , , ,