Grupong nasa likod ng pananambang sa ilang pulis sa Gubat, Sorsogon patuloy nang tinutugis

by Radyo La Verdad | November 3, 2015 (Tuesday) | 1392

ALLAN_PURSUIT
Nagsasagawa na ng pursuit operation ang pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police at 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa grupong nasa likod ng pananambang sa Gubat, Sorsogon kahapon.

Sa spot report ng PNP-PRO5, nangyari ang pananambang pasado alas-dos kahapon habang dumadaan ang patrol car na sinasakyan ng limang pulis sa masukal na bahagi ng Sitio Casili sa barangay Marinas.

Patungo sana sa Camp General Simeon Ola sa Legazpi, Albay ang mga pulis nang bigla silang paulanan ng bala ng hindi pa natutukoy na mga salarin.

Agad tinamaan sina SP01 Ronald Din, P03 Aris Hasal, P01 Gerry Gabuyo na ngayon ay nasa Sorsogon Medical Mission Group Hospital;

Habang mga sugat naman sa katawan sanhi ng shrapnel ang tinamo nina P02 Dennis Garbida at P02 Sheryl Marbella.

Sa ngayon ay tumanggi munang magbigay ng anumang pahayag ang hepe ng Gubat police habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Sa kasalukuyan ay wala pa namang grupong umaako sa naganap na ambush.(Allan Manansala/UNTV Correspondent)

Tags: , ,