METRO MANILA, Philippines – Kahon- kahong ebidensya na direktang nag-uugnay umano sa ilang militanteng grupo sa rebeldeng New People’s Army (NPA) ang inilabas ng Armed Forces of the Philippines. Ito’y matapos na sabihin ni Cristina Palabay ng grupong karapatan na wala umanong ebidensya ang AFP sa akusasyon nito na sila ay legal front ng CPP-NPA.
Mismong si Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations o J7 BGen. Antonio Parlade Jr. na miyembro ng National Task Force to End Insurgency ang naglabas ng mga ebidensya.
Ilan dito ay dokumentong pirmado ni CPP Founding Chairman Jose Maria Sison kaugnay ng 5th International Assembly na isinagawa sa Hong Kong kung saan kasamang dumalo ang Karapatan.
“Ang ating gobyerno ay hindi nagpa fabricate ng report, sila ang nagpa-fabricate, by the way hindi si AFP, hindi ako, hindi ang gobyerno ang nag-red tag sa kanila, tingnan nyo ang websites ng Philippine Revolution Web Central, ILPS, website ng NDF International, makikita niyo don ang karapatan, IBON, andiyan ang ACT, GABRIELA, Makabayan Bloc, andiyan lahat… pirmado ni Joma,” ani BGen. Antonio Parlade Jr. AFP, Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations J7.
Inilabas din ng AFP ang ilang video at larawan ng mga armadong kabataan na estudyante ng mga Salugpongan schools na pinatatakbo ng mga non-government organization.
Ipinakita rin ni Parlade ang mga libro na naglalaman ng mga radical information na iniimprenta ng IBON Foundation para sa mga Salugpongan Community Learning Centers.
Isa sa miyembro ng editorial board ng libro ay asawa ng secretary ng Southern Mindanao Eegional Committee ng NPA. Dito umano, itinuturo sa mga kabataan ang pagkagalit at paglaban sa gobyerno.
“Pambansang sagisag ng Pilipinas, pambansang awit, pambansang wika, pambansang bayani ay si Father Paps, si Father Te Torio yung Italyano yung napatay, bakit nga ba napatay yun e kasi kasama niya NPA, mga komunistang bayolente, so ito yung national hero nila…ito itinuturo sa grade one, ang nakalagay dito ang puppet na Republika ng Pilipinas,” sabi ni BGen. Antonio Parlade Jr. AFP, Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations J7.
Ayon kay Parlade, ilan lang ito sa mga ebidensyang ipeprisinta nila sa European Union para ipatigil ang higit isang bilyong pisong financial support na ibinibigay sa naturang mga NGO.
Dagdag ni Parlade, pinalalabas ng Karapatan na magulo at maraming paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas upang hindi rin mapauwi si Joma Sison sa bansa.
“Natatakot sila na yung kanilang funding maaaring matapos na. We found out na meron palang general assembly sa UN declaration, Resolution 43, ito yung Declaration on the Protection of All Persons from Enforced Disappearances, malinaw po doon na sa article 8 paragraph 2, na ang isang criminal o activist ay hindi pwedeng i-extradite o ibalik sa isang bansa if theres a danger of prosecution,” ani Parlade.
Kaugnay nito, hinamon ni Parlade ang karapatan ng debate sa National TV upang malaman ng publiko kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Ayon naman sa grupong Karapatan, dapat itigil na ni Parlade ang pag uugnay sa karapatan sa NPA dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya hinggil dito.
(Lea Ylagan | UNTV News)
Tags: AFP, Armed Forces of the Philippines, Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison, CPP-NPA, KARAPATAN