Muling nagtungo kahapon sa Korte Suprema ang grupong Gabriela upang manawagan na magdesisyon na ang mga mahistrado sa mga petisyon laban sa K to 12 program.
Muli ring binatikos ng grupo ang pamahalaan sa kawalan ng sapat na paghahanda para sa pagpapatupad ng K to 12.
Isa na rito ang kakulangan ng mga pampublikong paaralan na tatanggap ng mga estudyante sa senior high school.
Hindi anila sapat na sasagutin ng pamahalaan ang matrikula ng mga estudyante sa grade 11 na mapipilitang mag enrol sa pribadong paaralan.
Ayon pa sa grupo, hindi maitatanggi na dagdag na pahirap sa mga magulang ang pag aralin ng karagdagang dalawang taon ang mga anak sa senior high school sa halip na makapag kolehiyo na ang mga ito.
Kayat hiling nila sa Korte Suprema, ipawalang-bisa ang K to 12 at payagang maka graduate ang mga estudyante sa grade 10.
Una namang dinismiss ng mataas na hukuman ang hiling na maglabas ng temporary restraining order upang mapigilan ang pagpapatupad sa K to 12.
(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)
Tags: grupong Gabriela, K to 12