Matapos maghain ng petisyon nitong lunes, mag-aabang naman sa labas ng tanggapan ng Commission on Elections ang mga miembro ng Ating Guro hanggang sa mailabas ng COMELEC ang desisyon nito sa kanilang petisyon.
Nauna nang hiniling ng grupo sa poll body na huwag ituloy ang pagbibigay ng 2nd seat sa kongreso sa COOP NATCO Partylist.
Sa petisyon ng Ating Guro sinabi nito na may pagkakamali sa inilabas na resolusyon ng National Board of Canvassers tungkol sa proklamasyon ng mga nanalong partylist groups dahil sa kanila dapat napunta ang pang limampu’t siyam na slot para sa marginalized sector representation sa kongreso.
Sinabing grupo, kung susundin ang ruling ng Korte Suprema, isang seat lamang dapat mayroon ang COOP NATCO dahil hindi sapat ang nakuha nitong bilang ng boto para sa isa pang karagdagang pwesto.
Ayon sa grupo ang pagcacamp-out sa harap ng COMELEC ay simbulo ng kanilang pagiging seryoso sa laban at babantayan nila kung ano ang magiging desisyon ng COMELEC sa kanilang petisyon.
Mga guro mula sa iba’t ibang syudad sa Metro Manila ang halinhinang magbabantay sa labas ng COMELEC Office.
Dito na rin gagawin ng mga guro ang mga kailangang dokumento para sa pagbubukas ng pasukan sa Hunyo.
Kung hindi magiging paborable sa grupo ang desisyon nang COMELEC ay handa silang i-akyat hanggang sa Korte Suprema ang kaso.
Hindi naman kasamang natalakay ng COMELEC En Banc sa kanilang sesyon kahapon ang petisyon ng Ating Guro Partylist.
(Victor Cosare/UNTV NEWS)
Tags: Grupong Ating Guro