Grupo ng mga doktor, nanawagan sa DOJ na patigilin ang PAO sa pag-autopsy sa mga batang ang pagkasawi ay iniuugnay sa Dengvaxia

by Radyo La Verdad | February 5, 2018 (Monday) | 3306

Hiniling ng Doctors for Public Welfare  na kinabibilangan ni dating Health Secretary Esperanza Cabral sa Department of Justice  na patigilin na ang Public Attorney’s Office sa pag-autopsy sa mga bata na iniuugnay ang kamatayan sa Dengvaxia vaccine

Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na dapat ipaubaya na lang ito ng PAO sa mga competent na forensic pathologists.

Wala na umanong saysay na isailalim pa ang mga kaanak ng mga nasawi sa sakit ng kalooban na dulot ng paghukay at pag-sisiyasat sa mga ito at sa bandang huli ay wala namang makukuhang mahalagang impormasyon mula dito.

Sagot naman ni PAO Chief Atty. Persida Acosta, ipagpapatuloy nila ito lalo na’t may pahintulot mula sa mga magulang na nananawagan ng hustisya para sa kanilang mga nasawi na anak.

Hindi rin aniya sila makikilos lang ng pribadong grupo at makikinig lang sa mandato ng mga otoridad.

Inilabas na noong nakaraang linggo ng UP-PGH Dengue Investigative Task Force ang resulta ng kanilang pagsusuri sa ilang mga bata na iniuugnay ang pagkamatay sa Dengvaxia vaccines.

Wala umano silang nakitang indikasyon na Dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng labing-apat sa dalawampu’t siyam na batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Ayon sa DOH, ang resultang ito ay nagpapatibay sa desisyon nila na ipatigil ang pagbibigay ng Dengvaxia.

Hindi na rin ito dapat gamitin pa sa mass immunization program kung hindi rin lang magsasagawa ng medical background sa mga bata.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,