Grupo ng mga call center employees, humihiling ng independent investigation sa NCCC mall fire

by Radyo La Verdad | December 26, 2017 (Tuesday) | 1998

Nagluluksa ang BPO Industry Employees Network o BIEN sa nangyaring sunog sa NCCC mall sa Davao City kung saan tatlumpu’t pitong call center agents ang pinaniniwalaang nasawi.

Hinihiling ng grupo ang isang patas na independent investigation sa trahedya upang makita kung sumunod ba ang kumpanya sa Occupational Safety and Health Standards.

Ayon kay BPO Industry Employees Network Spokesperson Mylene Cabalona, ipinahayag ng isa sa mga survivor na hindi madaanan ang mga fire exits sa naturang mall.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, magbibigay naman ng ayuda ang DOLE Region 11 sa mga pamilya ng mga nasawi sa sunog.

Saklaw rin ng emergency employment program ang isang buwang temporary employment ng lahat ng mga nawalan ng trabaho sa nasunog na mall.

Ibig sabihin, sagot ng DOLE ang isang buwang minimum wage ng mga empleyado habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon kung may paglabag sa Occupational Safety and Health Standards ang establisyemento.

Tinitignan din DOLE ang panangutan ng kumpanyang Survey Sampling Inc o SSI na nasa 4th floor ng naturang mall.

Iniimbestigahan ng DOLE kung may sapat na fire exits at kung hindi naka-lock down ang mall kahit may mga empleyado sa loob nito.

Sisikapin ng DOLE na tapusin ang imbestigasyon sa linggong ito upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng sunog at mapanagot ang mga responsable sa naturang trahedya.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,