Pinulong ngayong araw ng Bureau of Customs ang mga importers at exporters kaugnay sa basic customs procedures, rules and regulations.
Sa imbitasyong ipinadala ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa mga importers at exporters, layon ng seminar na maging pamilyar ang mga ito sa proseso ng customs clearance upang hindi na nila kailanganing kumuha ng serbisyo ng mga customs broker.
Kaugnay nito nagprotesta sa labas ng BOC ang ilang broker upang tutulan ang nakaamba umanong pagbalewala sa kanilang propesyon ng BOC.
Pinabulaanan din ng mga broker ang paratang na sila ay kasabwat ng mga smuggler dahil kanilang isinusumiteng import entry sa kawanihan ay batay lamang sa natatanggap na dokumento mula sa importer.
Sa isang statement, nilinaw ng BOC na hindi nila tinatanggal ang mga broker subalit sa bagong batas nagiging opsyunal na sa mga importers at exporters ang pagkuha sa serbisyo ng mga broker.
Sa pamamagitan ng ganitong sistema maaring mapababa ang gastos sa pagpapasok ng mga produkto sa bansa na makakatulong din kalaunan sa mga consumers o mamimili.
Handa namang makipagpulong si Faeldon sa mga broker.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: Grupo ng mga broker, planong pagbalewala sa kanilang propesyon