Grab at Uber, pinagmumulta ng tig-P5M ng LTFRB dahil sa iba’t ibang paglabag

by Radyo La Verdad | July 12, 2017 (Wednesday) | 2496


Sa pagdinig kahapon ng LTFRB kaugnay sa renewal ng accreditation ng mga Transport Network Company.

Napagalaman ng ahensya ang iba’t-ibang mga paglabag ng uber at grab sa mga patakarang nakapaloob sa Memorandum Order na kanilang inilabas noong pang July 2016.

Inamin ng pamunuan ng Uber at Grab na patuloy pa rin silang tumatanggap ng mga bagong aplikasyon ng mga transport network vehicle service,bagaman nag-isyu na ng moratorium ang LTFRB.

Katwiran ng Grab at patuloy na tumataas ang demand ng mga pasahero sa kanilang serbisyo, kaya naman itinuloy pa rin ang pagpasok ng mga bagong aplikasyon.

Ayon sa LTFRB chairman na si Atty. Martin Delgra, isa itong malinaw na paglabag sa kanilang kautusan, lalo’t pinapayagan ng mga tnc na bumiyahe ang mga TNVS gayong wala itong Provisional Authority at Certificate of Public Convenience.

Sa halip na kanselasyon ng accreditation, nagdesisyon ang LTFRB na patawan na lamang ng tig-limang milyong pisong multa ang Uber at Grab dahil sa kanilang mga paglabag.

Pero nilinaw ng ahensya na tanging ang mga tnvs lamang na may mga kaukulang certification ang maaring bumiyahe sa ngayon.

Inamin naman ang Grab ang kanilang naging kapabayaan, at sinabing handa silang magbayad ng multa.

Habang ang pamunuan naman ng Uber ay hindi na nagbigay pa ng anumang reaksyon.

Samantala, isang technical working group naman ang bubuoin ng ltfrb na syang mag-aaral sa sistema ng Uber at Grab, at magre-review ng renewal ng kanilang accreditation.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,