Grab at Philippine Nat’l Taxi Operators Association, hihiling ng dagdag-pasahe sa LTFRB

by Radyo La Verdad | January 4, 2018 (Thursday) | 2544

Inihahanda na ngayon ng Grab Philippines at Philippine National Taxi Operators Association ang ihahaing petition for fare increase sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ayon sa pamunuan ng Grab Philippines, nais nilang humiling sa LTFRB ng 6-10 percent na dagdag-singil sa pasahe kasunod ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa epekto ng Tax Reform Law.

Halimbawa, kung ang isang pasahero ay bibiyahe mula Magallanes, Makati City hanggang Greenhills San Juan, ang pamasahe na nagkakahalaga ng 150 to 170 pesos ay madadagdagan ng 10 to 13 pesos.

Paliwanag ng Grab Ph, kung hindi sila aapela ng dagdag-pasahe, posibleng maghanap na lamang ng ibang trabaho ang kanilang mga driver na maaring makaapekto sa supply at demand ng mga TNVS.

Bukod sa presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa Grab inaasahan na rin nila ang pagtaas ng presyo ng mga spare parts at iba pang mga expenses.

Samantala, aapela rin sa LTFRB ang grupo ng Philippine National Taxi Operators Association na itaas na sa singkwenta pesos ang flagdown rate sa mga taxi.

Ayon kay PNTOA President Atty. Bong Suntay, malaki na ang nalulugi ng mga operator at halos wala na ring naiuuwing kita ang mga taxi driver dahil sa mataas na presyo ng gasolina, matinding traffic at labis na kumpetisyon sa mga tNVS.

Makatwiran naman para sa ilang pasahero ang hinihiling na dagdag-singil sa pasahe sa ilang transport group.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,