Grab PH, pinagmumulta ng 10 milyong piso ng LTFRB dahil sa umano’y overcharging

by Radyo La Verdad | July 11, 2018 (Wednesday) | 4847

Pinatawan ng sampung milyong pisong multa ng Land Transportation Franchisng and Regulatory Board (LTFRB) ang transport network company na Grab PH. Kaugnay ito ng umano’y labis na paniningil ng pasahe sa mga pasahero.

Base sa order na inilabas kahapon ng LTFRB, iligal ang paninigil ng two peso per minute time charge na hindi naipagpaalam sa ahensya.

Bukod sa multang sampung milyong piso, ipinag-utos rin ng LTFRB ang pagsasauli ng labis na pasahe na sinigil ng Grab sa kanilang mga pasahero.

Gagawin ang reimbursement sa pamamagitan ng rebate sa mga susunod na ride bookings ng pasahero. Dapat lamang anilang na ma-avail ang rebate sa loob ng susunod na dalawampung araw.

Sa ilalim ng naaprubahang fare structure ng Grab PH noong Disyembre 2016, 40 piso ang kanilang flagdown rate, 10-14 piso ang kada kilometro at times two na surge.

Una nang inireklamo ni PBA Partylist Representative Jerico Nograles ang umano’y overcharging ng Grab sa kanilang mga pasahero at iginiit ang 1.8 bilyong piso na refund.

Binigyan ng LTFRB ng labing limang araw ang Grab PH upang iapela ang desisyon. Sakaling ma-deny, maari namang maghain ng kanilang apela ang Grab PH sa DOTr.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,