Grab PH, nakararanas ng kakapusan sa TNVS unit  

by Radyo La Verdad | December 9, 2022 (Friday) | 7269

Nakararanas ngayon ng kakulangan sa unit ng mga Transport Network Vehicle Services (TNVS) ang ride hailing company na Grab. Kaya naman may mga pagkakataon na nahihirapan ang mga commuter na makapag-book ng sasakyan.

Inabot ng trenta minutos sa paghihintay si Sab Marcelo, isang commuter, bago dumating ang kanyang nai-book na ride sa grab na kanyang sasakyan patungo sa Maynila.

Bukod sa matagal dumating ang sasakyan, makailang-ulit rin niyang sinubukan ang pagbu-book bago tuluyang nakakuha ng masasakyan.

Napilitan rin siya na magpa-book na lamang ng 6-seater na SUV, dahil wala nang makuhang 4-seater o sedan sa grab.

Dahil dito mas lumaki tuloy ang pamasahe na kailangang bayaran ni sab.

“Kagaya kahapon nakapagbook ako ng Grab papuntang manila from Valenzuela, to compare it it’s too expensive compare before and I’ve noticed din yung 4 seater is ang less na n’ya tapos one na nagbook ka ng pang 6 seater ‘yun mabilis and ‘yun it’s too pricey for 1 person to use a 6 seater car,” ani Sab Marcelo, nag-book sa grab.

Aminado ang grab Philippines, na mayroon talagang kakapusan ngayon sa kanilang mga unit, lalo pa ngayon na dagsa ang mga pasahero dahil sa holiday season. Kaya naman mas marami pang pasahero ang nahihirapang makapag-book ng tnvs.

Sa datos ng Grab, nasa 40% na lang ng mga TNVS ang bumalik sa kanilang platform bunsod ng epekto ng pandemya.

Nauna nang ipinanawagan ng Grab sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na mapabilis sana ang proseso sa pagbibigay ng provisional authority para sa mga TNVS.

“Versus pre covid only roughly 40% of cars have come back, nahirapan na rin po ang mga partner driver namin ng Covid, maraming nawalan ng kotse, at you know even our best effort for them to come back to the platforn really 4 out every 10 cars previously online are still online today,” phayag ni Ej dela Vega, Head of Mobility.

Ayon sa LTFRB, Mayo ngayong taon ay nagbukas naman sila ng 7,000 slots upang magbigay ng permit para sa mga bagong TNVS. Nguni’t nasa 2,500 lang sa mga ito ang nakapagpatuloy para iproseso ang kanilang aplikasyon at makapagpasa ng kaukulang dokumento.

Ayon kay LTFRB Executive Director Roberto Peig, ikinokonsidera na rin a ngayon ng board ang muling pagbubukas ng slots para sa pagiisue ng provisional authority sa mga TNVS.

Batay sa datos ng LTFRB noong Oktubre, mayroong nasa higit 7,000 na mga TNVS ang may permit upang tumanggap ng booking at magsakay ng mga pasahero.

Batay sa fare structure ng Grab, naniningil sila ng 45 pesos para sa base fare, 15 pesos na dagdag sa kada kilometrong byahe, dagdag na dalawang piso sa kada minuto ng byahe, at 40 pesos na stop base fare na s’yang inirereklamo ng ilang mga mananakay.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: , ,