METRO MANILA, Philippines – Dalawa sa pitong merger interim measure na ipinapatupad ng Philippine Competition Commission (PCC) ang nalabag ng Grab at Uber. Ito ang natuklasan ng ahensya sa kanilang imbestigasyon sa merger deal ng dalawang kumpanya noong nakaraang March 25.
Dahil dito ay pagmumultahin ng PCC ang dalawang transport network company ng ₱16M. “This establishes the fact that PCC has its own jurisdiction and mandate when it comes to competition related concerns,” ani ni Commissioner Johannes Bernabe ng PCC
Sa ilalim ng Philippine Competition Act, mayroong maximum na ₱2M na multa sa bawat paglabag sa isang partikular na probisyon sa naturang batas.
Ang ₱16M na multa ay ang kabuoang multa na babayaran ng Grab at Uber dahil sa mga nagawang paglabag. ₱4M na multa sa Grab at Uber dahil sa pagpupursigi pa rin ng mga ito na ituloy ang merger kahit nag-iimbistiga pa ang PCC sa kanilang kaso. ₱8M na multa sa Grab dahil sa kabiguan nitong mapanatili ang premerger condition ng PCC. ₱4M na multa sa Uber dahil sa pagpapahintulot rin nito na hindi masunod ang premerger condition ng komisyon.
“Dahil sa pag-comply nila sa LTFRB order ay kinailangan naming i-reduce ang fines ng Uber which is why makikita natin ₱4M po ang na-impose sa Grab pero para sa Uber naman ay ₱4M lamang,” pahayag ni Stella Quimbo, commissioner ng PCC.
Ayon sa PCC kung mabibigo na makapag-comply ang Grab at Uber sa loob ng 45 araw, kailangan ng mga ito magmulta ng ₱16M araw-araw.
Ayon naman sa Grab, pag-aaralan pa nila ang mga multang ipinataw sa kanila ng PCC at sasagutin ang mga ito sa lalong madaling panahon.
April 3 nang magsagawa ng motu propio review ang PCC at April 6 nang ilabas ng PCC ang interim measure na dapat sundin ng Grab at Uber habang tinatapos ang imbestigasyon sa kaso.
(Mon Jocson / UNTV News)
Tags: GRAB, Grab-Uber merger deal, multa, Philippine Competition Act, Philippine Competition Commission, Uber