Palalawigin pa ang bilang ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission.
Ito ay napagkasunduan ng panig ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front sa kauna-unahang pagkakataon na nagpulong ang mga ito sa Kuala Lumpur, Malaysia sa ilalim ng Duterte Administration.
Sa kasalukuyan, 15 ang miyembro ng transition commission, pitong miyembro ay pinili ng pamahalaan samantalang ang walo ay pinili ng MILF.
Sa bagong agreement, dadagdagan ng tig-tatlong miymebro sa magkabilang panig.
Ang Bangsamoro Transition Commission o BTC na binuo sa pamamagitan ng executive order 120 ang inatasang sumulat ng Bangsamoro Basic Law o BBL.
Hindi pumasa sa 16th Congress.ang unang bersyon ng BBL dahil sa umano’y pagiging unconstitutional nito at sa nangyaring insidente sa Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 na PNP- Special Action Force member ang nasawi.
Samantala, inumpisahan na ang pagpapatupad sa mga unang napagkasunduan ng government at MILF peace panel sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang din sa mga kinatawan ng pamahalaan na nagtungong sa Kuala Lumpur Malaysia sina House Speaker Pantaleon Alvarez at House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas upang bigyang-katiyakan ang MILF na ang kasalukuyang kongreso ay kaisa ni Pangulong Duterte sa pagkakamit ng pangmatagalang kapayapaan sa mindanao.
Tiniyak din ni Sec. Dureza na aakma sa panukalang Federal System of Government ang bubuuing Bangsamoro government entity.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: GPH at MILF Peace Panel, membership ng Bangsamoro Transition Commission