Simula sa August 1,inaprubahan na ng National Telecommunications Commission ang emergency 911 at hotline 8888, bilang mga opisyal na hotline ng pamahalaan na maaring gamitin ng publiko.
Ang mga nabanggit na hotline ay kabilang sa mga programa na nais ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte, upang lalo pang mapagibayo ng pamahalaan ang serbisyong kanilang ibinibigay sa publiko.
Ang anumang emergency cases at rescue management ay maaring itawag sa 911, na pangangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government o DILG.
Habang ang 8888 naman na tatanggap ng mga sumbog o reklamo hinggil sa mga tiwaling public official, at hindi maayos na serbisyo sa alinmang ahensya ng pamahalaan ay hahawakan ng Presidential Action Center at Civil Service Commission.
Tiniyak naman ng mga ahensya nakakasakop dito ang agarang pagbibigay ng aksyon sa lahat ng mga tawag na kanilang matatanggap.
Samantala, pinaalalahanan naman ng NTC ang publiko na gamitin sa tama at iwasan ang panloloko o prank calls sa mga hotline ng gobyerno.
Sa ngayon ay pinagaaralan pa rin ng NTC, ang posibilidad ng pagpapataw ng mahigpit na parusa sa sinomang indibidwal na ginagamit sa panloloko ang mga itinalagang hotline service ng pamahalaan.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: Gov’t hotlines 911 at 8888, kontra sakuna at katiwalian