Muling pinangalangan sa publiko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal ng pamahalaang tinanggal niya sa pwesto dahil sa isyu ng katiwalian.
Ito ay si Government Corporate Counsel Rudolf Philip Jurado dahil umano sa pagbibigay ng gambling permit.
Mandato ng tanggapan ng Government Corporate Counsel na pangalagaan ang ligal na interest ng lahat ng government-owned and controlled corporations, kabilang na ang kanilang subsidiaries, corporate offsprings at government-acquired asset corporations.
Batay sa mga lumabas na ulat, nagbigay si Jurado ng legal opinion sa Aurora Pacific Economic Zone (APECO) na nagbibigay dito ng pahintulot na magbigay ng approval sa isang 75-year permit para sa isang casino operator.
Ginawa ng pangulo ang pagsisibak sa Ceremonial Enactment ng Ease of Doing Business Act sa Malacañang kagabi.
Una nang napaulat na pinapaboran umano ni Jurado ang mga negosyo ng mga gambling at gaming firms.
Si Jurado ang pinakahuling tinanggal sa pwesto kasunod nina dating Transporation Assistant Secretary Mark Tolentino, Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon at Public Works and Highways Asec. Tinangun Umpa.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: inalis sa pwesto, Jurado, Pangulong Duterte