Bahagi ng pag-uusapan ng peace negotiating panel ni President-elect Rodrigo Duterte ang talakayin kung papaano mababago ang proseso para mapabilis ang usapang pangkapayapaan ng ng susunod na pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP.
Nakatakdang dumalo kapwa ang peace panel ng Duterte government at NDFP sa isang humanitarian dialogue sa Oslo, Norway sa Miyerkules hanggang Huwebes kaya sinamantala na rin ng mga itong magkita para buhayin naman ang proseso ng peace talks ng pamahalaan at makakakaliwa.
Ayon sa chairman ng peace panel negotiators na si incoming Labor and Employment Secretary Silvestre Bello The Third, tinatawag nila ang unang pag-uusap na exploratory at informal talks.
Kabilang sa tatalakayin ang pagpapabilis sa usapin ng peace process dahil matagal nang mabagal ito ganun din ang isyu sa tigil-putukan, at pagpapalaya sa mga political detainee.
Proposal din ng government peace panel na sabay-sabay nang pag-usapan ang mga isyu tulad ng human rights, International Humanitarian Law, at socio-economic affairs.
Ayon kay Bello, tinatayang dalawa hanggang tatlong araw ang paglalagi ng government peace panel sa Oslo depende sa magiging pag-uusap nila sa NDFP.
Samantala, kung sakaling maging maganda ang resulta ng pag-uusap, ipi-presenta nila ito kay President- elect Duterte at pormal nang buuin upang tapusin ang kasunduang pangkapayapaan ng pamahalaan at makakaliwa.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: Duterte administration, Government peace negotiatiors, NDFP