Gov. Imee Marcos, nais isulong ang Pantawid Ani Program at Pag-aalis ng VAT sa gamot

by Radyo La Verdad | February 5, 2019 (Tuesday) | 11076
PHOTO: Imee Marcos/FB

Manila, Philippines – Ibinahagi ni  Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa programang Get it Straight with Daniel Razon  ang ilan sa kaniyang mga plataporma partikular na ang pagaalis ng Value Added Tax (VAT) lalo na sa gamot kapag nanalo siya bilang Senador sa darating na halalan ngayong taon.

Posible rin umano ito dahil nagawa na ang pagpapatupad ng Tax Acceleration and Inclusion o TRAIN Law sa bansa.

Iminungkahi rin niya na tanggalin ang VAT sa lahat ng gamot dahil hindi aniya makatarungan na parehong 12% na buwis ang kinokolekta sa mga mahihirap at mayayaman.

 “Bakit pa lalagyan ng buwis? Bakit pabibigatin pa? May sakit na nga yung tao kadalasan matanda, bakit mo pahihirapan pa?,” ani ni Marcos. Bukod dito ay nais din ni Marcos na mabigyan ng iba pang ayuda ang mga magsasaka lalo na kapag naaapektuhan ito ng mga kalamidad.

 Katulad aniya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, maaaring suportahan ang mga apektadong magsasaka sa loob ng tatlo hanggang sa anim na buwan. “Ibuo mo yung sa DSWD, DOLE, sa iba’t-ibang pangkat ng pamahalaan at gawin mong pantawid ani kung nasalanta ng bagyo o kung nasira yung bahay, namatayan ng mga alagang animals eh di magtulong tulong,” dagdag ni Marcos.

 Mahalaga rin aniya na mapanatili na mababa ang presyo lalo na ng mga pangunahing bilihin.

Pabor rin ang gobernador sa Pederalismo maging sa pagpapatupad ng martial law sa Mindanao subalit hindi aniya ito kailangan sa ngayon na ipatupad sa buong bansa.

Hindi na rin interesado si Marcos na buhayin pa ang Bataan Nuclear Power Plant na itinayo sa panahon ng kaniyang amang si dating Presidente Ferdinand Marcos, sa ngayon aniya ay marami nang nawalang gamit kaya’t sa halip na buhayin ay magtayo na lamang ng mga mapagkukunan ng renewable energy gaya ng Solar, windmill at Hydroelectric power plant. Kailangan lamang aniya na i-review ang renewable energy act para hindi maging dehado ang gobyerno.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,