Global ranking ng Pinas pagdating sa internet speed, umakyat – OOKLA

by Radyo La Verdad | September 21, 2022 (Wednesday) | 2027

METRO MANILA – Umakyat ang global ranking ng Pilipinas pagdating sa bilis ng internet nitong nakaraaang buwan.

Batay sa datos na inilabas ng internet speed monitoring firm na Speedtest ng Ookla, umakyat sa ika-45 ang ranking ng bansa.

Mula ito sa ika-46 noong July, sa 182 na mga bansa na mino-monitor ng Ookla.

Kabilang sa mga itinuturong dahilan ng pamahalaan sa pagbilis ng internet speed sa Pilipinas, ay dahil sa pag-streamline at mas pinabilis na pagbibigay ng mga lokal na pamahalaan ng permit sa mga telecommunication companies.

Sa ganitong paraan mabilis na nakakapagpatayo ng cellular towers at fiber optic networks ang mga telco, na kinakailangan para mas mapalakas ang internet connectivity.

Inaasahan din na mas gaganda pa ang internet speed sa Pilipinas, sa pagpasok ng Starlink internet service ng bilyonaryong si Elon Musk.

Nakatakdang i-launch ng Starlink ang kanilang low earth orbit satellite internet service sa bansa sa katapusan ng taon, at inaasahang magsisimula ang deployment sa unang quarter ng 2023.

Tags: