Ginang na suspek sa pyramiding scam, nahuli ng CIDG-ATCU sa Maynila

by Radyo La Verdad | February 10, 2017 (Friday) | 1636


Umiiyak pa nang maaresto ng mga tauhan ng CIDG-Anti Transnational Crime Unit ang babae na wanted sa kasong large scale estafa dahil sa pyramiding at scamming operation sa Baguio at mga kalapit lalawigan.

Ayon kay CIDG-ATCU PSupt. Roque Merdegia Jr., nahuli sa isang restaurant sa Tayuman, Sta. Cruz, Manila si Rhodora Comedes.

Sinabi ni Merdegia na milyong pisong halaga ang natangay ni Comedes mula sa kanyang mga biktima gamit ang iba’t-ibang pangalan at ng kasabwat nito na nakikilalang si Julia Frianza.

Noong 2013 pa umano nag-ooperate ang grupo ni Comedes na ang modus operandi ay nangangako ng malaking buwanang interes sa investment at kapag nakakulekta na ng pera ay hindi na muling nagpapakita pa sa kanilang biktima.

Panawagan ng CIDG-ATCU sa mga naging biktima ni Comedes na magtungo sa kanilang tanggapan upang magsampa ng karagdagang reklamo.

Muli rin silang nag-paalala sa publiko na huwag basta maniniwala sa inaalok na malalaking tubo ng pera at maging maingat sa pagpasok sa anumang investment scheme upang hindi mabiktima ng mga sindikato.

Ang pag-aresto ay sa bisa ng warrant of arrest ng La Trinidad, Benguet RTC Branch 62 Judge Danilo Camacho.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: ,