Hindi pa rin tumitigil sa pag-apela si Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza sa teroristang grupong Abu Sayyaf na huwag paslangin ang kanilang German kidnap victim na si Juergen Kantner, 70-taong gulang.
Sa isang video na posted sa social video kamakailan, umapela ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas at Germany ang bihag na si Kantner at humihingi ng 30 milyong pisong halaga ng ransom kapalit ng kaniyang buhay.
Itinakda ng Abu Sayyaf ang ultimatum para sa buhay ng foreigner hanggang February 26, alas-tres ng hapon at kung hindi maipagkaloob ang hinihingi ng teroristang grupo ay papatayin umano siya ng mga ito.
Ayon kay Secretary Dureza, nakikipag-ugnayan sa kaniya ang pamahalaan ng Germany hinggil sa ginagawang rescue efforts at operasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng Armed Forces of the Philippines upang masagip ang German national at tugisin ang Abu Sayyaf Group.
Naninindigan naman ang opisyal sa no-ransom policy ng pamahalaan.
Gayunman, hindi naman aniya kayang pigilan ng gobyerno kung mismong mga mahal sa buhay ng kidnap victim ang makikipagtransaksyon sa teroristang grupo.
Si Kantner at ang kaniyang asawa na si Sabine Merz ay binihag ng asg sa kanilang yate sa Sabah noong Nobyembre.
Una nang natagpuang puno ng tama ng bala ang katawan ng kaniyang misis sa Sulu.
Samantala nasa 27 pang banyaga at Pilipino ang bihag ng mga Abu Sayyaf.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: German gov’t, OPAPP, patuloy ang ugnayan upang masagip ang German kidnap victim ng Abu Sayyaf