GDP growth ngayong 2016, inaasahang aabot sa 6% to 7% – NEDA

by Radyo La Verdad | December 16, 2016 (Friday) | 2063

gdp
Nangunguna parin ang Pilipinas sa mga karatig-bansa gaya ng Vietnam, Indonesia, Malaysia at maging sa China kung paguusapan ay ang paglago ng ekonomiya.

Kumpiyansa ang National Economic Development Authority o NEDA na sa kabuoan ng 2016 ay aabutin parin ng bansa ang 6-7 percent na paglago ng Gross Domestic Product o GDP na siyang basehan sa pag-angat ng ekonomiya ng isang bansa.

Ilan sa naging kontribusyon nito ay ang pamumuhunan sa construction at public infrastructure na sinuportahan pa ng mababang inflation at interest rates gayun din ng remmitances ng mga OFW.

Bumaba rin sa 4.7% ang unemployment rate sa record noong Oktubre na nangangahulugang nasa 41.7 milyong Pilipino ngayon ang may trabaho.

Nakatulong dinumano ang pagpapatuloy ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan pati na ang kontribusyon ng agriculture at manufacturing sectors.

Target ng Administrasyong Duterte na mabawasan pa ang poverty incidence ng hanggang 15% hanggang sa 2022.

At mangyayari ito kung makikiisa ang publiko sa mga programa ng pamahalaan.

Umabot na rin sa 17 ang naaprubahang proyekto ng pamahalaan mula noong Hunyo lamang habang patuloy pa ring dumadagsa sa bansa ang foreign investors.

Sa susunod na taon ay inaasahan namang aabutin ng bansa ang 7.5% na GDP growth.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: , ,