GCQ with restrictions, palalawigin sa NCR Plus bubble hanggang June 15

by Erika Endraca | June 1, 2021 (Tuesday) | 3925

METRO MANILA – Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force on COVID 19 na palawigin pa ang General Community Quarantine (GCQ) with restriction sa National Capital Region, Bulacan, Laguna at Cavite mula June 1 -15.

“Itong restriction ito yung limited persons, pagkain, whenever there is a grouping of a human being talagang susundin ninyo.” ani Pres. Rodrigo Duterte.

GCQ rin sa buong buwan ng Hunyo ang Baguio City, Kalinga, Mountain Province, Abra, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Batangas, Quezon, Iligan City, Davao City, Lanao Del Sur at Cotabato City.

Modified Enhanced Community Quarantine naman ang ipatutupad sa City of Santiago, Apayao, Benguet, Ifugao, Puerto Princesa, Iloilo City, Zamboanga City, Zamboanga Sibugay, Zamboanga Del Sur, Zamboanga Del Norte, Cagayan De Oro City, Butuan City at Agusan Del Sur.

Ang natitirang mga lugar sa bansa ay sasailalim sa Modified General Community Quarantine sa buong buwan ng Hunyo.

Ayon kay Health Secretary Franciso Duque III, patuloy pa rin nilang binabantayan ang Visayas at Mindanao dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID 19.

“Yung NCR Plus ay nagpaplateau na bumabagal na po yung pagbagsak ng mga kaso at ang Mindanao ay tumataas, mabilis at meron pong turn reversal sa for rest ng Luzon at ang visayas dahan dahan ng pagtaas ng kaso” ani DOH Sec. Francisco Duque III.

Samantala, inaprubahan na rin ni Pangulong Duterte ang pagpapalawig sa ipinatutupad na travel ban para sa inbound passengers na manggagaling sa India, Pakistan, Sri Lanka, Bangladesh, Nepal, Oman at United Arab Emirates mula June 1 -15.

Ito ay bilang pagiingat na makapasok sa bansa ang ibang COVID 19 variants.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,