Aabot sa mahigit 1.6 billion pesos kada taon ang gagastusin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pagtatapon ng basura sa mas malayong lugar. Mas malaki ito kumpara sa dating P780M na ginagastos ng Q.C. noong sa Payatas Sanitary Landfill pa sila nagtatapon ng basura.
Noong nakaraang linggo ay pinatigil ng DENR at MMDA ang operasyon nito dahil umano sa panganib na posibleng idulot sa mga residenteng malapit sa lugar. Nagsunod-sunod ang mga pag-ulan noong nakaraang linggo dahil sa ulang dala ng habagat.
Ang mga alternatibong mapagtatapunan ng basura ay ang Rodriguez Provincial Sanitary Landfill, Vitas Marine Loading Station sa Maynila at ang landfill sa San Mateo Rizal.
Ayon sa isang text message mula kay Quezon City Mayor Herbert Bautista, “Sa ngayon hinihintay pa ng Quezon City Government kung mapagbibigyan sila ng DENR at MMDA na muling magamit ang Payatas Sanitary Land Landfill”.
Sa pag-aaral ng Asian Development Bank noong 2016, kayang tumanggap ng basura ng Payatas Sanitary Landfill hanggang December 31, 2017.
Ayon naman sa MMDA, naghihintay lang din sila sa magiging rekomendasyon ng DENR. Ayon pa kay Mayor Herbert Bautista, sa ngayon ay maayos pa naman disposal ng basura sa Quezon City.
(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)
Tags: DENR, MMDA, Quezon City