Hinimok ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang mga fully vaccinated na mga Pilipino na magpabakuna na ng booster shot kontra COVID-19 dahil sa nalalapit na pagbubukas ng mga border ng bansa sa mga turista.
Sa isang public briefing, ipinahayag ni NVOC co-lead Dr. Krezia Lorraine Rosario na mahalaga ang pagbubukas ng mga ito upang muling makaahon sa pandemya ang ekonomiya ng bansa.
Ipinaliwanag niya na nababawasan ang proteksyong ibinibigay ng primary series ng bakuna at ang isang paraan para mapangalagaan ang bawat isa ay ang pagpapaturok ng booster shot.
Dagdag niya, mahalaga rin na magpa-booster shot ang maraming mga Pilipinong nagtatrabaho na ito’y paraan para lalo pang magbukas ng ekonomiya at turismo ang bansa.
Nitong Pebrero, binuksan ng gobyerno ang bansa sa mga turistang galing sa Estados Unidos, Thailand, Malaysia, Canada, Japan, United Arab Emirates, Indonesia at Australia pagkatapos ng dalawang taong pagkakasara dulot ng pandemya.
(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)