Full online registration at electronic payment para sa NBI clearance, sinimulan ngayong araw

by dennis | April 1, 2015 (Wednesday) | 6027
Screengrab from http://clearance.nbi.gov.ph/
Screengrab from http://clearance.nbi.gov.ph/

Ipinatupad na simula ngayong araw ang full online registration, electronic payment at appointment system sa pagkuha ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay NBI spokesperson Nick Suarez, layon ng hakbang na ito na maibsan ang mahabang pila sa mga NBI satellite office at mas padaliin ang proseso sa pagkuha ng clearance.

Simple lamang ang gagawin sa pag-aapply ng NBI clearance online:

1. Bisitahin ang website na www.nbi.gov.ph o clearance.nbi.gov.ph.
2. Punan ang mga hinihinging detalye katulad ng pangalan, kapanganakan, kasarian at iba pa.
3. Matapos masagutan ang lahat ng hinihinging detalye, i-submit ito at i-save ang information.
4. Kumuha ng appointment para sa biometrics at;
5. Ilagay kung saan at kailan dadalhin ang e-payment receipt.

Sa araw na itinakda ay saka na lamang kailangang personal na tumungo sa NBI clearance site ang applicant.

Dahil sa full online application, sinabi ng NBI na hindi na sila mag-eentertain ng mga walk-in applicant.

Enero 2 ng taong kasalukuyan nang magsagawa ng soft launch ang NBI, kung saan 29 sa mahigit 60 NBI clearance sites sa buong bansa ang sumubok sa online system.(Bianca Dava/UNTV Correspondent)

Tags: , ,