Full force construction ng MRT-7 sa Commonwealth Ave., sisimulan na ngayong araw

by Radyo La Verdad | August 21, 2017 (Monday) | 2810

Sisimulan na ngayong araw ng Department of Transportation at San Miguel Corporation ang full force construction ng MRT line 7 sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Kaugnay nito, magde-deploy naman ang Inter-Agency Council for Traffic ng tatlong daang mga traffic law enforcer upang makatulong sa inaasahang pagbigat ng trapiko sa lugar. Binubuo ito ng mga tauhan ng PNP HPG, MMDA at mga traffic law enforcers mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport Thomas Orbos, ang area ng PHILCOA ang isa sa pinakaunang maapektuhan ng matinding trapiko sa lugar. Ilan sa mga lugar na pinag-aaralan ng DOTr na maging alternatibong ruta ng mga motorista ang bahagi ng Central Avenue papasok ng Visayas Avenue. Gayundin ang area ng Tandang Sora na tatagos naman palabas ng Congressional Avenue.

Sa datos ng Transportation Department, nasa higit dalawang daang libong mga sasakyan ang dumaraan sa Commonwealth Avenue kada araw.

Ang MRT-7 ay isang 22.8 kilometer railway transport system na mag-uugnay sa Quezon City hanggang sa San Jose del Monte Bulacan.

Inaasahang makukumpleto ang proyekto pagsapit ng taong 2019.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,