Full Economic Recovery, maaabot ng Pilipinas kung bubuksan na rin ang mga paaralan – NEDA

by Radyo La Verdad | March 2, 2022 (Wednesday) | 14220

METRO MANILA – Ipinahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang pagsailalim ng ilang bahagi ng bansa sa COVID-19 Alert Level 1 ay makapagpapaigting lamang ng operational capacities para sa business establishments at iba pang mga aktibidad.

Ngunit para maabot ng bansa ang full economic recovery, dapat nang buksan ang lahat ng paaralan para sa face-to-face learning.

Ayon sa NEDA, maliban sa pagsusulong ng pagkatuto at productivty ng mga bata, makapagdaragdag din ito ng P12-B na halaga sa kita ng ekonomiya kada linggo.

Sa kasalukuyan, 13.1%  lamang ng mahigit 60,000 basic education schools sa buong bansa ang nagsasagawa na ng face-to-face learning o kaya ay handa na para rito.

Nito lamang Pebrero nang ilunsad ng pamahalaan ang massive vaccination campaign for kids para sa mga edad 5-11.

Samantala, hindi lang P10-B kundi nasa P16.5-B na economic activity kada linggo ang ibubunga ng pagsasailalim ng buong Pilipinas sa COVID-19 Alert Level 1.

Dagdag pa dito ang halagang P5.2-B na pasahod at 297,000 na dagdag trabaho sa susunod na quarter.

Giit pa ni NEDA Director General Sec. Karl Chua, pinakamakikinabang ang tourism sector na nilugmok ng pandemiya sa loob ng 2 taon.

At bunsod ng pagluluwag ng COVID restrictions, posibleng kumita ito ng hanggang P750-B.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,