Terror attack at hindi aksidente, ito ang pananaw ng Philippine National Police (PNP) sa nangyaring pagpapasabog sa Isulan, Sultan Kudarat noong Martes ng gabi.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, sinadyang ilagay ang bomba sa mataong lugar kasabay ng Hamungaya Festival o founding anniversary ng Isulan. Dalawa ang nasawi habang 35 ang nasugatan sa insidente.
Kaugnay nito, itinaas na sa full alert status sa buong Mindanao Region. Ibig sabihin, nakaalerto ang buong pwersa ng mga pulis sa mindanao at kanselado ang lahat ng leave.
Bukod dito, ipinag-utos na rin ni Albayalde ang masusing imbestigasyon sa insidente na inako ng Turaife group ang pagpapasabog.
Ito ay isang grupo na may kaugnayan umano ang mga ito sa Islamic State of Iran and Syria (ISIS).
At bagamat umiiral pa ang martial law sa Mindanao, ipinag-utos pa rin ni Gen. Albayalde ang pagpapalakas ng target hardening measures sa rehiyon gaya ng pagpapaigting sa checkpoint operations at intelligence gathering.
Ngunit ayon sa heneral, hindi naman magdadagdag sa ngayon ng pwersa ang PNP sa Mindanao.
Samantala, kinundena naman ng Malacañang ang nangyaring pagpapasabog.
Nangako rin ang palasyo na masusing iimbestigahan ang insidente upang mapanagot ang mga responsable sa pagpapasabog.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: Mindanao, PNP, Sultan Kudarat