Bukod sa mga nagawa ni Pangulong Aquino sa mga nakalipas na ilang taon, umaasa si Senator Grace Poe na mababanggit ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang huling SONA ang Freedom of Information bill, kung saan ito’y magiging malaking legasiya na maiiwan ng Pangulo kung mabibigyan ng pagkakataon ang mga tao mabusisi ang mga dokumento ng gobyerno.
Sinabi rin ni Poe na gusto niya ring marinig kay Pangulong Aquino ang kalagayan ng agrikultura ng ating bansa kung saan ito ay maituturing na mahalagang sektor na dapat na matutukan maging ang plano ng Pangulo sa MRT.
“Siyempre ‘yung MRT na sinakyan ko mismo. Ano ba talaga ang mangyayari diyan? Ano ang maintenance diyan at anong ang long term goals? Kasi siyempre ang Pangulo matatapos na ang kanyang termino, anong gusto niyang ipasa sa susunod na mamumuno? Ano sa tingin niya ang magiging mabuti sa ating mga kababayan na makakatulong sa lahat, hindi lamang sa iilan,” pahayag ng senadora.
Dagdag pa ni Poe na ang mga nasimulan ni Pangulong Aquino ay dapat na magsilbing gabay para sa susunod na manunungkulan at maipagpatuloy ang patuloy na pagtaas ng ekonomiya ng bansa. Ngunit sa tanong kung meron na bang plano ang senadora sa 2016 elections, sinabi nito na wala pa siyang napagdedesisyunan. (Meryll Lopez/UNTV Radio)