Sa darating na ika-31 ng Hulyo magtatapos ang trial period ng free visa sa Taiwan para sa mga Filipino passport holders. Ngunit ayon sa Taiwan Ministry of Foreign Affairs (MOFA), i-eextend nila ito ng isang taon pa.
Kaya naman maaari pang ma-enjoy ng mga Pilipino ang free visa privileges hanggang sa ika-31 ng Hulyo 2019. Ito ay matapos lumabas ang desisyon ng inter-ministerial meeting ng MOFA na isinagawa dalawang linggo ang nakakaraan.
Bukod sa Pilipinas, kabilang din ang mga bansang Thailand at Brunei na makikinabang sa extension ng free visa.
Maaring manatili ng hanggang 14 na araw ang mga Filipino passport holders samantalang 30 araw naman para sa mga Thai at Brunei citizens.
Ikinatuwa naman ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa Taiwan ang balitang ito dahil mas magiging madali sa kanilang mga mahal sa buhay ang mabisita sila.
Matatandaang ika-1 ng Nobyembre 2017 ng simulan ang visa-free privilege ng mga Pilipino.
Ayon sa Taiwan Tourism Bureau, malaki ang itinaas ng bilang ng mga Pilipinong bumisita sa bansa. Mula 172,475 noong 2016, umabot ito sa 290,784 sa nakalipas na taon.
Samantala, umaasa naman ang taiwan na i-reciprocate ng Pilipinas ang free-visa treatment nito para sa mga Taiwanese.
( Amiel Pascual / UNTV Correspondent )