FPRRD, magsasampa ng kaso vs pulis na lumusob sa properties ni Quiboloy sa Davao

by Radyo La Verdad | June 14, 2024 (Friday) | 1230

METRO MANILA – Sasampahan ng kaso ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga taong may kinalaman sa paglusob ng properties ng Kindgdom of Jesus Christ (KOJC) group.

Bandang madaling araw nitong Lunes June 10, nilusob ng mga armadong pulis mula sa Special Action Force at Criminal Investigation and Detection Group ang mga compound ng KOJC sa Barangay Buhangin at Tamayong sa Davao City, sa Samal Island at sa Kitbog Compound sa Malungon, Sarangani Province

Ito ay para magsilbi ng warrant of arrest kay religious group leader Apollo Quiboloy at iba pang kapwa niya akusado.

Ayon sa dating pangulo, bilang former commander-in-chief na sumusuporta sa PNP at AFP, ikinalulungkot nito ang kaniyang naging desisyon.

Bilang isa ring abogado, iginiit ni Duterte na paglabag sa batas, trespassing at overkill ang ginawang pagraid ng mga pulis dahil wala umano silang naipakita na search warrant.

Sa inilabas na statement ng dating pangulo na siya ring administrator ng properties ng KOJC, pinapahanda niya na ang affidavit ng lahat ng mga apektadong miyembro pati na ang inventory ng nasirang properties

Binalaan din nito ang law enforcement agencies na may mabigat na mga kapalit ang pagsunod sa ilegal na utos.

Una nang sinabi ng Police Regional Office 11 na legal ang kanilang pagpasok sa mga properties ni Quiboloy kahit wala silang dala na search warrant.

Tags: ,