Former Majority Leader Fariñas, dudulog sa SC kung hindi aalisin si Rep. Suarez bilang minority leader

by Radyo La Verdad | July 31, 2018 (Tuesday) | 7687

Iaakyat na ni dating Majority Leader Rudy Fariñas sa Korte Suprema ang hindi pa rin maresolbang problema sa mababang kapulungan ng Kongreso, kung sino ang kikilalaning minorya.

Dahil ito sa pinipilit ng mayorya na si Quezon Representative Danilo Suarez pa rin ang minority leader gayung si Suarez mismo ang nanguna sa pagluklok kay Pampanga Representative Gloria Arroyo bilang house speaker.

At base sa rules ng Kamara, sinomang bumoto sa nanalong house speaker ay otomatikong magiging miyembro ng mayorya.

Bagay na sinang-ayunan na noon ng Korte Suprema base sa inilabas na desisyon noong 2016 sa petisyon ng kampo nila Ifugao Representative Teddy Baguilat.

Ayon kay Fariñas, wala nang karapatan si Suarez na pamunuan ang minorya at manatili pa sa minorya kasama ang mga kongresistang bumoto kay Arroyo.

Tanging si ABS party-list Representative Eugene De vera lang ang minority member na hindi bumoto kay Arroyo kaya ayon kay Fariñas, si De Vera na lang ngayon ang maituturing na orihinal na minorya.

Pero giit ni Majority Leader Rolando Andaya Jr. ang rules na sinasabi ni Fariñas ay nag-aapply nalang sa pinakaunang eleksyon sa pagka house speaker at hindi sa re-organization na kanilang ginawa noong ika-23 ng Hulyo.

Sumulat na sina Fariñas kay Arroyo para ipaalam na sila ay sasama kay De Vera para maging miyembro ng minorya.

Habang ang grupo ng Liberal Party kasama ang Makabayan Bloc at independent minority may sarili ring grupo na nais maging minorya ay nagbigay rin ng sulat sa house speaker na nagpapakilalang sila ang opisyal na minority group.

Sa ngayon ay wala pang desisyon ang liderato ng Kamara sa argumento ng tatlong kampong umaangkin sa posisyon ng minorya matapos agad i-adjourn ang sesyon kagabi dahil sa mainit na debate tungkol sa isyu.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,