Bumalik sa bansa at harapin ang mga paratang sa kanya kaugnay ng pagkadawit sa illegal drug trade.
Ito ang panawagan ni Presidential Spokesperson Harry Roque kay former Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog.
Ginawa ni Roque and pahayag sa isang press conference sa bayan ng Alimodian sa Iloilo noong Sabado.
Naungkat ang kasong kinakaharap ni Mabilog matapos itong mabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang talumpati sa Tarlac noong nakaraang linggo.
Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, kung natatakot si Mabilog para sa kanyang kaligtasan ay maaari naman itong humingi ng proteksyon sa korte.
Dagdag pa nito, walang personal na galit si Pangulong Duterte sa dating alkalde.
Agosto 2017 nang magtungo sa Japan si Mabilog para sa isang official visit, ngunit hindi na ito bumalik matapos banggitin ng pangulo na isa ito sa mga protektor ng illegal drug trade sa bansa.
October 2017 naman ng i-dismiss ito ng Office of the Ombudsman dahil sa unexplained wealth.
Samantala, muling nagbabala ang punong ehekutibo sa mga alkaldeng sangkot pa rin sa operasyon ng iligal na droga.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )
Tags: Malacañang, Mayor Mabilog, Pangulong Duterte