Nababahala ngayon ang mga residente sa Minalin, Pampanga sa maaaring sapitin ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.
Lalo pa silang nag-alala nang masawi nitong Lunes ang dose anyos na si Roshaine D. Cariño na sinasabing nagkasakit matapos mabigyan ng anti-dengue vaccine.
Kahapon ng umaga ay dumating sa Minalin ang Public Attorneys Office sa pangunguna ni Atty. Persida Acosta, hiling na rin ng pamilya Cariño ay inautopsy ang mga labi ni Roshaine.
Ayon sa kaniyang ama, humingi sila ng tulong sa PAO upang malaman ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng kaniyang anak noong February 19.
September 2017 nang nakaramdam umano ng panlalabo ng mata, pananakit ng ulo at lagnat ang bata. Kaagad nila itong dinala sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa San Fernando, Pampanga kung saan siya nacommatose.
Nakita din sa resulta ng MRI na may namumuong bukol sa ulo nito. Naging bed ridden na si Roshaine at hindi na maigalaw ang buong katawan. Nitong Lunes ng hapon ay namatay ang bata.
Ayon naman kay PAO Forensic Expert Dr. Erwin Erfe, nakitaan nila ng sintomas ng severe dengue ang bata na sinasabing isa sa epekto ng Dengvaxia.
Ayon kay PAO Chief Atty. Persida Acosta, ito na ang pang 23 bata na kanilang na autopsy na pare-pareho umano ang findings.
Nailibing na kahapon si Roshaine sa Sto. Domingo Minalin Public Cemetery.
( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )