Foreign passengers mula sa mga lugar na may kumpirmadong kaso na ng bagong Covid-19 variant, bawal munang pumasok sa Pilipinas

by Erika Endraca | December 30, 2020 (Wednesday) | 5467

METRO MANILA – Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyong palawigin ang travel ban sa ilan pang mga bansa na mayroong kumpirmadong kaso na ng bagong variant ng Covid-19.

Epektibo ito mula ngayong araw December 30 – January 15, 2021.

Bukod sa United Kingdom, bawal munang makapasok sa bansa ang mga foreign traveler na mula sa Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, The Netherlands, Hong Kong, Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada at Spain.

Ang mga biyahero naman na in transit na bago mag-December 30, papayagan pang makapasok sa bansa subalit required silang sumailalim sa facility-based 14-day quarantine.

Papahintulutan din ang mga Filipino citizens na galing sa mga nabanggit na lugar na makapasok sa pilipinas at kinakailangan ding sumailalim sa istriktong quarantine.

Maaari namang magpatupad ng dagdag na restrictions sa mga bansang mapapaulat din ang pagkakaroon ng bagong Covid-19 variant sa pamamagitan ng rekomendasyon ng Department Of Health at Department of foreign affairs.

Samantala, subject naman sa exit protocols ng Pilipinas ang outbound travel sa mga bansang may reported new Covid-19 variants.

Lahat ng specimens ng mga biyaherong galing sa mga bansang may reported cases ng new variant, isusumite sa Philippine Genome Center, Research Institute for Tropical Medicine at Univeristy of the Philippines-national Institutes of Health para sa Genome Sequencing.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,