Food manufacturers, ipapako muna ang presyo ng kanilang produkto – DTI

by Radyo La Verdad | September 25, 2023 (Monday) | 3825

METRO MANILA – Kinausap ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga food manufacturer ng basic commodities at prime necessities para pag-usapan ang hiling na itaas ang Suggested Retail Price (SRP) sa kanilang mga produkto.

Bukas umano ang ilang food manufacturer sa bansa na huwag munang magpatupad ng taas-presyo sa mga pangunahing bilihin.

Sa isang sa viber message na ipinadala ni DTI Undersecretary Kim Lokin nitong Huwebes, September 21, kinumpirma niya ang tugon ng mga manufacturer na pansamantalang hindi ipatupad ang nakaambang pagtaas ng presyo.

Siniguro naman ni DTI Secretary Alfredo Pascual sa mga manufacturer na bibigyang konsiderasyon ng pamahalaan ang kanilang hiling, nang hindi naman makokompromiso ang kapakanan ng mga mahihirap na konsyumer.

Samantala, ayon kay Canned Sardines Association of the Philippines Executive Director Francisco Buencamino, isa ang 11 magkakasunod na linggo na taas-presyo ng krudo kaya lumaki ang gastos ng mga manufacturer.

Nakaapekto rin maging ang paghina ng piso laban sa dolyar na nagpataas naman sa presyo ng imported na latang kanilang ginagamit sa produksyon.

Samantala, tiniyak naman ng DTI na magkakaroon naman ng isang consultation meeting sa mga manufacturer upang tugunan ang mga problemang inilatag sa kanila.

Tags: ,