Pansamantalang hindi muna pinapayagang manghuli ng isda ang malalaking sasakyang pangisda sa karagatang sakop ng Zamboanga, Peninsula.
Epektibo simula bukas ang pagpapatupad ng tatlong buwang fishing ban ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga isdang ginagawang sardinas.
Kabilang sa uri ng sardinas na ipinagbabawal hulihin ay ang tamban-tuloy, tuloy, tunsoy at iba pa. Mahigpit ring ipinagbabawal ang paggamit ng mga fishing nets na purse seine, ringnet, bagnet at scoop net.
Maaaring pagmultahin ng hanggang 50,000 piso hanggang 100,000 piso ang lalabag na small-scale commercial fishing, habang isa hanggang limang milyong piso naman sa mga large-scale commercial fishing.
Nilinaw naman ng BFAR na pinapayagan namang manghuli ang may maliliit na bangka.
Ikinatuwa naman ito ng grupo ng mga maliliit na mangingisda sa rehiyon. Ito ay dahil mabibigyan ng pagkakataong makapangitlog at dumami ang mga isda sa karagatan na kanilang inaasahan ng kabuhayan.
Samantala, tiniyak naman ng BFAR na may nakahanda silang ayuda para sa mga pansamantalang maapektuhan ng fishing ban.
Kabilang na rito ang livelihood training program at iba pang programa ng pamahalaan.
( Dante Amento / UNTV Correspondent )
Tags: BFAR, fishing ban, Zamboanga Peninsula