Fish carrier vessel na hinihinalang ginagamit sa shipment ng illegal drugs, nasabat sa Subic, Zambales

by Radyo La Verdad | July 12, 2016 (Tuesday) | 1054

ZAMBALES
Nilusob ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Group, PDEA, Philippine Coast Guard at Locale Government Unit ang isang fish carrier vessel sa barangay Calapandayan Subic Zambales pasado alas diyes kagabi.

Nahuli sa barko ang apat na Hongkong national na kinilala ang mga ito na sina Shu Fook Leung, Kwok Tung Chan, Wing Fai Lo at si Kam Wah Kwok.

Nakuha sa kanila ang kalahating kilo ng hinihinalang shabu at hydrogenator machine na ginagamit sa paggawa ng liquid shabu.

Personal itong pinuntahan ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa at kinausap niya ang mga ito.

Ayon sa AIDG, maituturing na floating shabu laboratory ang vessel na ito dahil sa nakitang makinang kayang gumawa ng liquid shabu.

Hinihinalang ginagamit sa shipment ng illegal drugs operation sa Luzon region ang fish carrier vessel na ito.

Nanggaling na umano sa Ilocos Region, Pangasinan at Cagayan ang vessel na ito.

May posibilidad din umano na sila ang nagtago ng 180 kilos na shabu sa Cagayan na nakumpiska nito lamang nakaraang linggo.

Ayon pa sa AIDG, isa sa kanila ang labas pasok sa Pilipinas at ang tatlo pang kasamahan nito ay mga first time lang nagtungo sa Pilipinas.

Kasalukuyang ikukulong ang mga nahuling Hongkong national sa kampo ng PNP Olongapo City sa barangay Barreto.

(Joshua Antonio/UNTV Radio)

Tags: