First batch ng monkeypox vaccines, posibleng sa January 2023 pa darating – DOH                                                    

by Radyo La Verdad | August 11, 2022 (Thursday) | 5292

Nakararanas ng shortage ang buong mundo pagdating sa supply ng bakuna kontra sa monkeypox virus, kaya naman pahirapan ang pagkuha ng supply nito ayon sa Department of Health. Sa kabila nito tiniyak ng DOH na may kausap na silang bansa na pagkukunan ng monkeypox vaccines.

Inaasahan na dadating sa Pilipinas ang mga bakuna kontra sa monkeypox sa January 2023.

“Tinatarya-tarya rin yan kung sino ang mabibigyan. Nung nakipag-usap tayo, tayo ay nakikiusap baka pwede na mabigyan tayo kahit konti lang muna mapo-procure para lang mabakunahan natin yung dapat lang mabakunahan,” pahayag ni Usec. Maria Rosario Vergeire, OIC, DOH.

Ayon sa DOH, sakaling dumating na ang bakuna, maaaring unahin dito ang mga healthcare workers na pangunahing humaharap sa mga pasyente kasunod naman ang mga may direktang exposure sa magpopositibo sa monkeypox virus.

Sa ngayon, hindi pa rin masabi ng ahensya kung mayroong proteksyon laban sa monkeypox ang mga nabakunahan na laban sa smallpox virus.

“Pinag-aaralang maigi ‘yan because ‘yung smallpox vaccine, ‘yung ating monkeypox kapamilya siya ng smallpox that’s why the vaccine in us was certified by FDA para mare-purpose para magamit sa monkeypox, ngayon pinag-aaralan pa kung ‘yung mga nabakunahan dati ay immuned sa monkeypox,” dagdag ni Usec. Maria Rosario Vergeire,

OIC, DOH.

Nanawagan din si Vergeire sa pamunuan ng mga ospital na maging handa kung sakali mang madadagdagan pa ang mahahawa ng monkeypox virus.

(JP Nuñez | UNTV News)                     

Tags: , ,