Hinamon ng task force 2016, isang koalisyon na nagbabantay sa halalan sa pilipinas, ang mga kandidato lalo na doon sa mga tumatakbo sa mataas na puwesto na ilahad kung sino ang nagpopondo ng kanilang maagang pangangampanya.
Kasunod ito ng lumabas na report na daan-daang milyong piso na ang nagagastos ng ilang presidential candidates sa mga media ads gayong hindi pa naman campaign period.
Aminado ang task force na hindi nila mapipilit ang mga kandidato sa ngayon na sabihin kung sinu-sino ang kanilang mga financier.
Ngunit giit ng grupo kahit walang batas na sumasaklaw sa ngayon sa kanila para ibunyag kung sino at saan nanggagaling ang pondo dapat pa rin itong malaman ng taong bayan.
Nanawagan din sa publiko lalo na sa mga pulitiko ang grupo na huwag masentro sa personalidad ng mga kandidato ang usapan kundi dapat pag-usapan kung ano ang paninindigan ng mga kumakandidato sa iba’t ibang isyu.
Kabilang sa mga tanong na nais masagot ng grupo ay kung paano tugunan ang isyu ng kurapsyon, paano makakamit ang kapayapaan sa Mindanao at ang ukol sa Bangsamoro Basic Law.
Ang kanilang gagawin tungkol sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, aksyon laban sa extra judicial killings at iba pang human rights violations, disaster preparedness, paano mapapangalagaan ang mga mahihirap at iba pa.
(Victor Cosare/UNTV News)
Tags: Political ads