Inaasahang ngayong linggo ay isusumite na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Security Council ang pinal at validated na narco list nito.
Ayon sa pangulo, bibigyan din niya ng kopya nito sina Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ginawa ng punong ehekutibo ang pahayag sa grand alumni homecoming ng San Beda Law sa Bonifacio Global City sa Taguig noong Sabado.
Tiniyak naman ni Pangulong Duterte na dumaan sa masusi at ilang ulit na validation ang listahan na naglalaman ng pangalan ng libu-libong government at elected officials.
Dagdag pa ng pangulo, sa loob ng ilang beses na pagberipika sa listahan ay ilang ulit din na lumabas ang pangalan ng ilang opisyal na una na niyang pinangalanang sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Partikular na rito si dating police general na ngayon at alkalde ng Daanbantayan, Cebu na si Mayor Vicente Loot.
Muli namang binigyang-diin ni Pangulong Duterte ang pangako noong campaign period pa lamang na tatapusin ang problema sa iligal na droga sa bansa.
Tags: Final at validated narco list, National Security Council bago matapos ang Nobyembre, Pangulong Duterte